Joan Alarilla
MULA nang mahalal noong taong-2007, namalas ang walang-maliw na dedikasyon ni kagalang-galang Joan Velasco Alarilla bilang Punong-Lungsod ng Meycauayan at iyon ay nagpatuloy sa muli niyang pagkapanalo noong halalan 2010.
Sa ikaanim na taon ng kanyang panunungkulan, wala nang pag-aalinlangan sa layunin at programa ng pamahalaan ni Punung-Lungsod Alarilla.
Iyan ay ang maipagpatuloy ang adhikain ng kanyang namayapang kabiyak na si dating-Punong Lungsod Eduardo A. Alarilla na nangarap at nagsikap para pagyabungin ang isang maayos, mapayapa at progresibong Meycauayan.
Sa pagsasakatuparan ng pangarap na iyun, ang mamamayan ay nagtatamasa ngayon ng mataas na kalidad ng pamumuhay dahil sa mga programa at proyekto na matutunghayan sa kasalukuyan.
MGA MATAGUMPAY NA PROYEKTO
Pagsasaayos ng Pamilihang Bayan—Sa ilalim ng Build Operate and Transfer Agreement, walang ginastos ang Pamahalaang Lungsod bagkus kikita pa sa pag-upa ng kompanyang gagawa nito. Pagkaraan ng 25 taon ay ililipat ang pagpapatakbo at pangangasiwa ng pamilihan sa Pamahalaang Lungsod.
Pagtatayo ng Meycauayan Common Transport Terminal—itinayo sa Bgy. Malhacan para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero at para na rin sa kapakanan ng mga transport group na bumibiyahe pa-Norte hanggang Malolos at pa-Maynila.
Dalaw-Ugnayan sa Barangay—ang programang naglalapit at nagpapaabot ng mga pampublikong paglilingkod sa 26 barangays ng Lungsod. Dala-dala ng mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ang serbisyong medical, dental at kasama na rin ang mobile laboratory exams.
Ipinaabot din pati ang pagbabakuna sa mga aso, pamimigay ng seedlings o binhi, pagdaraos ng job fair at pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga programa, proyekto at serbisyo ng Pamahalaang Lungsod.
Pagdaraos ng sesyon ng Sanguniang Panglungsod at Sangguniang Pambarangay—upang matalakay ang kasalukuyang mga programa at gawain lalo na ang issues at concerns ng barangay na nangangailangan ng legislative action.
Pagkakaloob ng scholarships—pagtulong sa mga walang kakayahan ngunit karapat-dapat na patuloy makapag-aral sa pamamagitan ng Mariano Quinto Alarilla Scholarship Foundation. Pagtatayo at pagsasaayos ng mga gusali ng paaralan at pagkakaloob ng mga gamit pang-eskuwela — bilang pagtupad sa pangakong bibigyan ng mataas na antas ng edukasyon ang kabataan. Sa taon ding ito, binuksan ang Meycauayan National High School Extension sa Bgy. Caingin kung kaya’t nadagdagan na ang mga kabataang Meycaueños na makikinabang dito.
H.E.A.L. (Healthy Environment Action for Life) Meycauayan River—patuloy na pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapatupad ng proyekto, kung saan tuloy-tuloy na inaalis ang mga water lily at mga basura sa ilog.
Bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Meycauayan-Marilao-Obando River System, ang Septage Treatment Plant ay sa lungsod mismo itinayo sa pakikipag-ugnayan sa DENR-EMB, Manila Bay Coordinating Office at Pamahalaang Panlalawigan.
Ukol naman sa isyu ng basura, ang Material Recovery Facility na siyang pinakamalaki sa lalawigan ng Bulacan ay patuloy na pinapatakbo upang iproseso ang mga basurang nahahakot sa Lungsod.
Pink Jeepneys—Sa pagpapaibayo pa ng mahusay na serbisyo publiko, ang isang bus at dalawang coasters na nailabas noong unang termino ng Punong-Lungsod ay nagdagdagan pa ng tatlong “pink jeepneys” upang magkaloob ng libreng transportasyon sa mga kawani ng Pamahalaang Lungsod at sa mga mamamayang patungo sa City Hall.
Ang naturang mga sasakyang ito ay ipinahihiram ng private associations at NGOs bilang public service sa mga gawain at gampaning nagpapalakas ng pagsasamahan ng pribadong sektor at ng pamahalaang panglungsod.
MGA KARANGALAN NATAMO
At bilang pagkilala sa kagalingan ng kanyang pamamahala, ang Lungsod ng Meycauayan ay isa sa pamahalaang lokal na nagawaran ng “Seal of Good Housekeeping” ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal noong Oktubre 4, 2011 at pinagkalooban ng P20 milyon pondo mula sa Local Government Support Fund.
Ginagamit ang naturang pondo sa pag-aayos ng kalsada at drainage system sa tatlong barangay para masolusyonan ang suliranin sa pagbabaha.
Sinundan pa ito ng pagkakaloob ng pondo sa halagang P3 milyon mula sa Performance Challenge Fund, isang insentibo para sa mga lokal na pamahalaan dahil sa mahusay na pagganap ng kanilang tungkuling mapagserbisyuhan ang mamamayan at mapaunlad ang kanilang pamayanan bukod pa sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong tumutugma sa adhikain ng pamahalaang pambansa.
Ang P3 milyon ay tatapatan ng Pamahalaang Lungsod ng P3 milyon din at iuukol sa pagpapatayo ng Action Center/Drop-In para sa Children in Conflict with the Law at mga biktima ng Violence Against Women and Children sa compound ng City Hall.
INA, ILAW AT PINUNO
Ilan lamang ang mga tinuran sa matagumpay na programa at proyekto na lalong nagpahusay serbisyo-publiko at walang-bahid at buong-pusong paglilingkod ng kagalang-galang Punong-Lungsod Joan Velasco Alarilla.
|